Unang Pamumulaklak ng Talungon (Parrot's Beak)

 Ngayong araw ay nakarating sa akin ang balita na namumulaklak na ang Talungon o Parrot's Beak.  Ang Talungon (Gmelina philippensis) ay isang native na punongkahoy sa Pilipinas na tumutubo bilang palumpong (shrub) o maliit na puno. Kasalukuyan itong itinuturing na isang magandang ornamental plant na umaabot ang taas mula 3 hanggang 8 metro. Meron din itong mga tinik at kaya ito tinawag na Parrot's Beak ay dahil sa hugis ng mga dilaw nitong bulaklak. 

Nakumpirma ko na Talungon ito sa tulong ng Visayas Native Tree Enthusiasts, isang grupo sa Facebook na layuning palaganapin ang kamalayan ng mga tao sa mga katutubong punongkahoy ng Pilipinas. 




Isa ang Talungon sa itinuturing na Vulnerable Species ng Department of Environment and Natural Resources batay sa inilabas nitong Administrative Order noong 2017 (DENR Administrative Order No. 2017-11).

Ang mga halaman na nasa kategoryang Vulnerable Species ay hindi pa kritikal na nanganganib o lubos na nanganganib subalit may posibilidad na mapabilang sa kategoryang nanganganib sa hinaharap. 


Mabilis lamang patubuin ang Talungon. Sinasabing ang pamumulaklak ng Talungon ay mula Abril hanggang Hulyo pero base sa obserbasyon at karanasan namin sa pagpapatubo nito sa Malungon, Sarangani. Ito ay nag-uumpisa ng Marso. Amin na lamang aabangan kung hanggang kailan matatapos ang pamumulaklak nito. 

Ayon sa isang pag-aaral, ang leaf extract ng Talungon ay mayroong antibacterial at antioxidant properties

Hindi kilala na nakalalason ang Talungon sa mga alagang hayop o tao pero mainam pa rin ang pag-iingat para maiwasan ang mga hindi sinasadyang pagkain nito. 

Para sa wastong pagtatanim at pangangalaga ng Talungon, maaaring puntahan ang link na ito: How to Grow Gmelina Philippensis.










Comments

Popular posts from this blog

Mga batas na may kaugnayan sa pagsasaka

Madre de Agua

Malunggay